CAUAYAN CITY – Handa ang mga mamamayan at mga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMO) sa lalawigan ng Batanes sa posibleng pagtama bagyong Neneng.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Roldan Esdicul na patuloy ang kanilang paghahanda anuman ang taglay na lakas ng bagyo.
Naka-preposition na aniya ang mga equipment sa iba’t ibang bayan ng lalawigan para sa posibleng clearing operation.
May mga nakahanda na ring foodpacks sa mga bayan at sa kanilang logistics hub.
Patuloy ang pagbibigay nila ng impormasyon sa mga mamamayan sa Batanes hinggil sa bagyo at nakatali na ang mga bubong ng mga bahay na gawa sa mga light materials.
Ayon kay Ginoong Esdicul, patuloy silang nagmomonitor at mamayang hapon ay mayroon silang pulong sa regional office hinggil sa kanilang paghahanda.
Nakataas na rin ang bangka ng ilang mangingisda habang ang iba ay nangisda pa dahil wala pang masyadong alon sa karagatan.
Ang mga magsasaka ay tuloy din ang pag-ani sa kanilang mga tanim na gulay habang sa mga root crops ay inihahanda pa lamang nila ang lupang tataniman.