--Ads--

CAUAYAN CITY – Iminungkahi ni Vice Gov. Antonio Albano ng Isabela na sumailalim sa lifestyle check ang mga pinuno ng Registry of Deeds (ROD) Isabela kasunod ng paratang na may nagaganap na bayaran sa reconstitution ng mga titulo ng lupa.

Ayon kay Pangalawang Punong-Lalawigan Albano, layunin lamang nito na malinis ang pangalan kaugnay sa mga paratang na iniuugnay sa tanggapan ng ROD.

Aniya, dito malalaman kung may gumagawa ng masama sa mga kawani ng tanggapan na taliwas sa kanilang tungkulin.

Iminungkahi pa ni Vice Gov. Albano na suriin ang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) ng bawat opisyal at empleyado upang makita ang mga ari-arian nila at bigyan ng pagkakataong magpaliwanag kaugnay dito.

--Ads--

Sa pamamagitan umano nito ay matatakot ang mga empleyado na makipagsabwatan sa mga fixers at maiiwasan ang posibleng katiwalian.

Hinikayat ni Vice Gov. Albano na lumutang ang mga posibleng nabiktima ng fixers kaugnay sa nagaganap na mga bayaran pagdating sa reconstitution ng mga titulo sa Registry of Deeds makaraang masunog ang kanilang tanggapan.