CAUAYAN CITY – Nakahinga nang maluwag ang ilang opisyal ng barangay ng Villa Concepcion, Cauayan City matapos na magnegatibo ang resulta ng kanilang swab test.
Nakasalamuha ng mga opisyal ng barangay Villa Concepcion ang isang barangay kagawad na kauna-unahang COVID-19 positive sa nasabing barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kapitan Soledad Quijano ng Villa Concepcion, Cauayan City, sinabi niya na 10 pa lamang mula sa 20 na nakasalamuha ng barangay kagawad ang negatibo ng resulta ng kanilang swab test.
Ayon kay Barangay Kapitan Quijano, patuloy ang kaniyang 14-day quarantine habang nananatili sa Balay Silangan sa San Pablo, Cauayan City ang barangay kagawad na nagpositibo sa virus habang hinihintay ang kaniyang re-swab test.
Magbabalik sa normal ang operasyon ng kanilang barangay kapag natapos na ang kanilang 14-day quarantine upang maipagpatuloy ang kanilang mga nabinbing proyekto sa barangay.
Samantala, kahit sumasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang barangay Villa Concepcion hanggang September 3, 2020 ay nakakatanggap sila ng impormasyon na may mga residente na nag-iinuman sa disoras ng gabi ngunit hindi niya matugunan dahil siya ay sumasailalim sa quarantine.
Dahil dito ay pinaalalahanan ni Barangay Kapitan Quijano ang kaniyang mga kabarangay na sumunod sa mga minimum health protocol para sa kanilang kaligtasan.