--Ads--

Isang bomba ang narekober sa isang excavation site sa bahagi ng Brgy. Santa Maria, Alicia Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Aldrin Galay, Public Information Officer ng Regional Explosives and Canine Unit 2, sinabi niya na nakatanggap ng tawag ang Isabela Provincial Explosive and Canine Unit o PECU Isabela mula sa Alicia Police Station kaugnay sa pagkakatagpo ng isang unexploded ordnance o pampasabog sa isinasagawang paghuhukay sa bahagi ng Brgy. Sta. Maria, Isabela.

Agad namang rumesponde ang mga kasapi ng PECU Isabela sa lugar at nagsagawa ng pagsusuri bago ibinyahe ang bomba patungo sa imbakan ng Police Regional Office o PRO 2 habang hinihintay ang araw para sa proper disposal sa Crow Valley Tarlac.

Aniya ang nakarekober ng nasabing bomba ay si Sonny Gutierrez, loader/bulldozer operator sa isang farm and resort sa nasabing barangay.

--Ads--

Ito ay isang piraso ng 100 pound General Purpose high explosive bomb na gamit sa mga bomber planes na karaniwang inihuhulog sa mga open land targets.

May lethal range in radius ito na 91 meters na lubhang delikado kapag napabayaang nasa open area, sa mga malapit sa kabahayan o mga lugar na maraming tao.

Aniya maaring ginamit ito sa panahon ng World War 2 at hindi sumabog nang ito ay ihulog ng mga bomber planes.

Pinaalalahanan naman niya ang publiko na maging maingat kapag nakakadiskubre ng ganitong pampasabog dahil sobrang delikado.

Aniya marami nang nasawi at nasugatan dahil sa hindi alam ang peligrong dulot ng mga nadidiskubreng unexploded ordnance na inaakalang naglalaman ng ginto at treasure.

Paalala niya sa publiko na agad na ireport sa pulisya pangunahin sa Explosive and Canine Unit upang ito ay mailagay sa mas ligtas na lugar para tuluyang pasabugin.