--Ads--

CAUAYAN CITY – Tiniyak ng DepEd Region 2 na magagamit ang mga eskwelahan at hindi gaanong naapektuhan sa sama ng panahon sa lambak ng Cagayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Dr. Benjamin Paragas, Regional Director ng Deped Region 2 sinabi niya na-timing ang kanilang paghahanda para sa pasukan sa pananalasa ng bagyong Carina.

Una na nilang nalaman ang mga dapat ayusin sa mga paaralan bago ang pananalasa ng bagyo at natitiyak niya na magagamit ng walang aberya ang mga ito sa pagsisimula ng klase ng mga mag-aaral.

Matatandaang sinimulan ang Brigada Ekwela 2024 nitong Lunes para sa isang linggong paglilinis at pagsasaayos sa paaralan bago ang pasukan sa Ikadalawamput siyam ng Hulyo.

--Ads--

Aniya batay sa report ng mga Disaster Risk Reduction and Management Offices sa rehiyon pangunahin sa bahagi ng Cagayan at Batanes ay wala namang malubhang naapektuhan sa nagdaang bagyo.

May mga nabahang classrooms sa ilang eskwelahan sa Aparri, Sta. Ana at Abulug ngunit agad ding bumaba ang lebel ng tubig at nalinis na ng mga guro kaya handa na ang mga ito sa unang araw ng klase.

Bagamat mas maikling araw ang inilaan sa brigada eskwela ay hindi naman ito nakaapekto sa paghahanda sa mga paaralan dahil lagi namang may tao rito na naglilinis kahit walang klase.

Tiniyak niya na 100% ang kahandaan ng buong Deped Region 2 sa pagsisimula ng pasukan kahit dumanas ng epekto ng bagyong Carina.