CAUAYAN CITY – Posibleng gamitin bilang Isolation Center ang mga pagamutan sa Isabela kung patuloy ang pagtaas ng kaso ng mga Persons Under Investigation (PUIs) sa lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Nelson Paguirigan, Provincial Health Officer ng Isabela, sinabi niya na kung hindi na kakayanin ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) na tumanggap ng mga PUIs ay bubuksan nila ang mga pangunahing pagamutan sa lalawigan upang doon i-quaratine ang mga pasyente.
Aniya, upang maiwasan ang coronavirus disease (COVID-19) ay naglatag si Governor Rodito Albano ng mga hakbang sa ginanap na emergency meeting na pinangunahan ng Isabela Provincial Task Force.
Ayon kay Dr. Paguirigan, bagamat wala pang kaso ng COVID-19 sa Isabela ay nakahanda lamang ang Provincial Task Force upang tumugon sa posibleng paglala ng sitwasyon.
Sa katunayan ay magkakaroon aniya sila ng mga karagdagang pagsasanay sa pangunguna ng pamunuan ng SIMC upang mas maging malawak ang kanilang kaalaman.
Pinaalalahanan naman niya ang publiko na kung maari ay umiwas muna sa mga matataong lugar at ipagpaliban muna ang pagsasagawa ng selebrasyon habang mainit pa ang usapin tungkol sa COVID-19.











