--Ads--

CAUAYAN CITY– Nagwagi ang delegasyon ng Cauayan City ng limang medalya, apat ang gold at isa ang silver sa PSC Batang Pinoy National Championship na ginaganap sa Vigan City, Ilocos Sur.

Ang 12 anyos na swimmer na estudiyante ng Cauayan City National High School na si Mark Justine Africano ang itinuturing ngayon na fastest kid swimmer sa buong bansa dahil sa naitalang record breaking sa 100 meters freestyle.

Si Africano na nakapagtala ng bagong record na 1 minute and 2 seconds at nalampasan ang dating record na 1 minute and 5 seconds.

Si Africano ay nanalo rin ng gold medal sa 50 meters freestyle.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Cauayan City Sports Development Officer Jonathan Medrano na masaya sila na sa unang pagkakataon ay maraming medalya ang napanalunan ng kanilang team na kinabibilangan ng apat na gold at isang silver.

Ang mga ginto ay galing sa swimming, archery at taekwondo habang ang isang silver ay sa archery.

Ang team ng Cauayan City ay kinabibilagan ng 5 badminton player, isa sa archery, limang swimmer at may mga player din sila sa teakwondo at arnis na lumahok sila sa virtual kaya hindi na sila pumunta sa Ilocos Sur.

Samantala, labis na natutuwa si Ginoong Medrano na nanalo ng gold at silver medal sa archery ang kanyang anak na si Jethro Medrano,15 anyos, grade 10 sa Centro de Cultura o CDC school sa Cauayan City.

Sinabi ni Ginoong Medrano na mataas ang tiwala na mananalo ng medalya ang kanyang anak batay sa kanilang pagsasama sa training.

Gayunman, labis siyang natutuwa na nagwagi ng gintong medalya ang kanyang anak lalo pa’t nagkaroon sila ng close fight ng kanyang mahigpit na nakatunggali para sa gold medal.

Nagkaroon ng pataasan ng score at siya ang nakapagtala ng mas mataas na score na 9 kumpara sa 8 ng kanyang nakatunggali.

Ayon kay Ginoong Medrano, unang beses na lumahok ang kanyang anak sa archery national competition.

Ibayong nagsanay ang kanilang team dahil mga mahuhusay na atleta ang kanilang katunggali sa Batang Pinoy National Championships.

Maganda aniya na bata pa lamang ay magsanay na ang mga may interes sa palakasan. Sa susunod na taon ay maghahanap sila ng dagdag sa kanilang team lalo na sa arnis at archery.

Susunod nilang paghahandaan ang CAVRAA na puwedeng ganapin sa Pebrero o Marso.

Ang pahayag ni Cauayan City Sports Development Officer Jonathan Medrano.