CAUAYAN CITY – Nilimas ng mga hindi pa nakikilalang magnanakaw ang mga paninda at kinitang pera ng isang karinderya sa Minante 2, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Irene Blas, may-ari ng karinderya, sinabi niya na hindi pinalagpas ng mga magnanakaw ang mga barya dahil kinuha rin ang kanilang lagayan.
Laking gulat nila ng dumating sila kinaumagahan dahil nasira na ang kandado ng karinderya at wala na ang karamihan sa kanilang paninda.
Karamihan sa kinuha ng mga magnanakaw ang mga de lata, perang nagkakahalaga ng P5,000, mga barya, sigarilyo at maging ang kanilang bigas.
Ayon kay Blas, kinuha rin ang mga pagkaing nasa loob ng freezer.
Nakita naman nila sa lugar ang isang kutsilyo at screw driver subalit maaring hindi ito ang ginamit ng mga magnanakaw dahil hindi nito kayang sirain ang padlock.
Aniya, ito ang unang pagkakataon na sila ay manakawan sa kanilang karinderya ngunit sa kanilang mga kapitbahay ay madalas ng nalolooban.
Hiniling naman nito na dagdagan ng pamahalaang lunsod ang mga street lights dahil madilim na kapag gabi.
Nanawagan naman siya sa mga magnanakaw na itigil na ang masamang gawain dahil marami silang naaagrabyado.
Tinig ni Irene Blas, may-ari ng karinderya.