--Ads--

Nagbahagi ng ilang pamamaraan ang isang Health Education Officer upang makaiwas sa mga sakit na madalas maitala tuwing malamig ang panahon.

Dahil nagsimula na ang Amihan season o ang malamig na panahon ay ito umano ang pagkakataon na dumarami ang kaso ng common cold o ang uri ng sakit na nakakaapekto sa ilong at lalamunan kagaya na lamang ng ubo at sipon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Health Education and Promotion Officer Ruby Ballesteros ng Cauayan City Health Office 1, sinabi niya na nang dahil sa malamig ang klima ay samu’t saring hangin ang nasa kapaligiran na nagdadala ng sakit lalo na kung hindi ito malinis.

Aniya, upang maiwasan ang pagdapo ng naturang mga sakit ay ugaliing magsuot ng facemask upang maiwasan na mahawaan o makahawa ng sakit.

--Ads--

Ugaliin ding takpan ang bibig tuwing bumabahing at maghugas kaagad ng kamay tuwing bumabahing at umuubo.

Kung sakali mang nadapuan na ng ubo at sipon ay umiwas sa mga malalamig at natatamis na pagkain at inumin para hindi ito lumalala sa halip ay uminom na lamang tubig at kumain ng prutas at gulay.

Mas mainam din aniya na matulog ng 8 hanggang 10 oras para magkaroon ng sapat na pahinga at huwag lang basta-basta umasa sa pag-inom ng gamot.