Dinagsa ng mga pasahero ang mga bus terminal sa Lungsod ng Cauayan matapos ang pagdiriwang ng Undas, kung saan marami ang pauwi na sa kani-kanilang lugar habang ang ilan naman ay pabalik sa kanilang mga trabaho.
Dahil sa dami ng biyahe, marami ang napilitang mag-adjust ng kanilang iskedyul bunsod ng fully booked na ang mga bus.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Arlyn Rivera, isa sa mga pasaherong babyahe pa lamang, sinabi niyang marami na ang nakapagpareserba ng kanilang mga tiket ilang araw bago pa man matapos ang Undas kaya’t limitado na lamang ang mga natitirang slot para sa reservation.
Dagdag pa niya, dapat ay mas maaga pa sana ang kanyang biyahe, ngunit dahil sa kakulangan ng upuan at fully booked na sitwasyon sa mga terminal, napilitan siyang i-adjust ang kanyang schedule at bumiyahe na lamang kagabi.
Kaugnay nito, ilang mga pasahero rin ang napilitang maghintay ng mas mahabang oras sa terminal dahil hindi nakapagpareserba ng maaga at umaasa na lamang na may karagdagang biyahe na makasakay patungo sa kanilang destinasyon.
Dulot ng sitwasyong ito, nagkaroon ng karagdagang abala sa mga pasaherong kailangang makabalik agad sa trabaho, lalo na sa mga may limitadong araw ng bakasyon o mahigpit na iskedyul sa kanilang pinapasukang kumpanya.
Gayunpaman, tiniyak ng mga bus operator na patuloy silang naglalabas ng mga karagdagang schedule ng biyahe kung kinakailangan upang ma-accommodate ang lahat ng pasahero.
Ginagawa anila ang lahat ng hakbang upang mapanatiling maayos at ligtas ang biyahe ng publiko.
Sa kabila ng abala, patuloy pa rin ang pagdagsa ng mga pasahero na bumabalik sa kani-kanilang lugar matapos ang Undas kung saan pinapayuhan ang mga biyahero na magpareserba ng tiket nang mas maaga upang maiwasan ang pagkaantala at hindi na mapilitang magbago ng kanilang iskedyul.











