Binigyang linaw ng mga opisyal ng Brgy. Labinab Cauayan City na hindi nila ipinagdadamot ang kanilang mga pasilidad para sa campaign rally ng mga kandidato.
Kaugnay ito sa nangyaring campaign rally ng isang partido na naging usap usapan dahil umano sa tila napagkaitan sila ng ilaw dahil isang bombilya lamang ang nakabukas sa barangay center.
Ito naman ang nakikitang dahilan ng ilang kandidato kung bakit iilang botante lamang sa Barangay ang dumalo at nakinig sa mga plataporma nila.
Ayon sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Kapitan Juanito Estrada Jr., binigyang linaw niya na lahat ng gustong gumamit sa kanilang barangay center ay pinahihintulutan at mismong ang mga opisyal pa ng barangay ang magpapahiram ng mga upuan at magsisindi ng mga ilaw.
Kinakailangan lamang aniya na makipag-ugnayan sa barangay isang araw bago ang programa upang maihanda ang mga kagamitan at matiyak na walang ibang gagamit dito.
Dagdag pa ni Kap. Estrada, bagaman pinahintulutan ng Comelec ang mga elected brgy. Officials na ikampanya ang kanilang gustong kandidato, hindi naman aniya ito nangangahulugan na ipagdadamot nila ang mga kagamitan ng barangay sa ibang mga kandidato.
Ipinapakita naman aniya ng mga opisyal ng barangay ang kanilang suporta sa lahat ng kandidato.
Lahat din aniya ng mga residente sa lugar ay hinihikayat pa nilang makinig sa mga plataporma ng mga kandidato upang maliwanagam sila kung sino ang kanilang iluluklok sa posisyon.











