CAUAYAN CITY – Nagpaalala ang Commission on Election o COMELEC Region 2 hinggil sa mga hindi dapat dalhin kapag nagsimula na ang Election Gun Ban.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng Comelec Region 2, sinabi niya na hindi lamang nila limitado sa baril ang titignan nila sa mga checkpoints kundi maging ang iba pang mga deadly weapons.
Nilinaw niya na hindi rin pwedeng magdala ng replika ng mga baril tulad ng mga toy guns.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagdadala ng mga itak at iba pang mga patalim ngunit nagbibigay naman umano sila ng konsiderasyon kagaya na lamang sa magsasaka at partidor basta’t maipaliwanag nila ng maigi kung bakit may dala silang patalim.
Aniya, tuwing election period ay tanging ang mga awtorisadong tao lamang ang pwedeng magdala ng baril sa labas ng bahay gaya na lamang ng PNP, AFP, Comelec Employee at iba pang mga Law Enforcement Agency.
Maaari rin naman anyang magdala ng baril sa labas ng bahay ang mga indibidual na humingi ng exemption mula sa Commission on Election.
Kasabay ng pag-uumpisa ng Election Period sa January 12, 2025 ay mag-uumpisa na rin ang pagpapatupad ng gun ban.