Ipinagmalaki ng pamunuan ng Cauayan City District Jail na lahat ng kanilang mga Person’s Deprived Liberty o PDL ay miyembro na ng PhilHealth.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jail Officer 3 Pritzibel Balagbagan, Chief ng Welfare and Development Unit, sinabi niya na pagkatapos maging miyembro ng PhilHealth ang isang daan apatnapu’t dalawang PDL kahapon ay nakamit na nila ang kanilang hangarin na gawing miyembro ang lahat ng dalawang daan apatnapu’t apat na PDL sa piitan.
Isinagawa kahapon ng umaga sa Cauayan City District Jail, ang pagpaparehistro sa mga PDL sa pangunguna ni Joseph Reyes,Head ng Local Health Insurance Office.
Ang programang ito ng PhilHealth ay nakasailalim sa Republic Act 11223 o Universal Health Care Law na naglalayong mabigyan ang lahat ng Filipino ng de-kalidad at abot kayang serbisyong pagkalusugan nang walang pangamba sa gastusin.
Malaki umano ang tulong nito lalo na sa mga PDL na senior citizen, may kapansanan, at indigent.
Ilan pa sa naging programa ng Cauayan City District Jail noong nakaraang buwan, ay ang pagsasagawa ng Tubercolosis Caravan at lahat ng PDL ay nasuri kung mayroon silang sakit na tubercolosis.
May siyam na nagpositibo sa sakit at ang isa ay agad na ini-isolate upang hindi na makahawa.
Maliban dito ay nagkaroon din ang ahensya ng HIV testing para sa tatlumpu’t dalawang PDL at isang kawani ng BJMP.
Tinututukan ng Cauayan City District Jail ang kaligtasan ng mga PDL, at pinananatili din nila ang kalinisan sa mga kulungan.
Walang dapat ipangamba ang mga kaanak ng mga PDL dahil sapat ang alagang natatanggap ng kanilang mga kaanak.-