CAUAYAN CITY – Nakatakdang ipatawag ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City ang mga may-ari ng piggery at poultry farm owner para sa pagpupulong dahil sa mga natatanggap na reklamo sa napakaraming langaw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Bagnos Maximo Jr. Sinabi niya na napag-usapan na nila sa konseho ang mga idinulog na problema ng mga residente dahil sa nasabing mga farm sa lungsod.
Nakikipag-ugnayan na umano sila sa mga barangay officials upang matukoy kung sino ang mga residenteng maraming alagang baboy at manok.
Magkakaroon aniya sila ng briefing sa mga ito upang alam nila ang dapat gawin upang matiyak na hindi magdulot ng perwisyo sa kanilang mga kapitbahay ang kanilang negosyo.
Tiniyak ni SP Member Maximo na kada buwan na ang isasagawang inspeksyon sa mga piggery at poultry farms sa lungsod upang maiwasan na ang mga reklamo.
Nakapagbigay na rin aniya ng rekomendasyon ang City Health Office sa mga dapat gawin ng mga farm owners upang makasunod sa panuntunan.