CAUAYAN CITY – Inihayag ng isang abogado na kailangang maging mulat ang mga pilipino sa mga nangyayari sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa bansa.
Matatandaang maraming isyung kinakaharap ang mga POGOs sa bansa kung isinasangkot din dito ang suspended mayor ng Bamban Tarlac na si Alice Guo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Junmarie Caroline Claravall, sinabi niya na marami nang patunay ang nag-uugnay kay Mayor Guo sa mga POGOs at isa rin itong chinese national bagamat patuloy niya itong itinatanggi.
Maiuugnay ito sa mga nangyayaring pang-I-espiya ng China sa Pilipinas na kung susuriing mabuti ay tila napasok na nito ang bansa batay sa mga nasamsam na mga ebidensya sa mga isinagawang raid ng pamahalaan sa mga POGO Hubs.
Aniya bilang Pilipino ay dapat maging aware ang lahat sa nangyayari dahil isa itong napakaseryosong concern ng ating kalayaan bilang isang bansa.
Dapat na subaybayan ng mga Pilipino ang mga nangyayari sa ating bansa pangunahin na ang nangyayaring tensyon sa West Philippine Sea upang maging handa sa anumang mangyari.
Malaking hamon ang ginagawa ngayon ng China. Mula nang okupahin ng mga Chinese ang mga teritoryo sa WPS, maraming mangingisdang Pinoy na ang problemado kung paano maitatawid ang kanilang buhay at pamilya.
Aniya kailangang maging mulat ang bawat Pilipino sa isyu at handang magpahayag ng panig at ilabas ito sa mga social media upang mapansin ng International Community para sa agarang aksyon.
Hindi lamang aniya ito laban ng pamahalaan kundi laban ng bawat Pilipino upang maipagtanggol ang soberanya ng ating bansa.5