--Ads--

Mas pinagkakatiwalaan ngayon ng mga Pilipino ang media bilang pangunahing institusyon na makatutulong sa paglaban sa korapsyon sa bansa ayon sa pinakabagong nationwide survey ng Pulse Asia na inilabas ngayong Miyerkules.

Batay sa resulta kalahati ng mga nasa hustong gulang o 51% ang nagsabing may malaking tiwala sila sa media, habang 50% naman ang nagtitiwala sa mga civil society group o mga non-government organization o NGO sa pagtugon sa mga isyung may kaugnayan sa korapsyon partikular sa mga proyekto sa flood control.

Sa kabilang banda kapansin-pansing mababa ang tiwala ng publiko sa mga ahensya ng pamahalaan.

Lumalabas sa survey na 81% ng mga Pilipino ang walang tiwala sa Department of Public Works and Highways o DPWH habang 45% naman ang hindi nagtitiwala sa Pangulo.

--Ads--

Ang tiwala sa Senado ay nasa 37%, samantalang ang Mababang Kapulungan ay may 25% lamang.

Samantala, 39% naman ang nagtitiwala sa Office of the Ombudsman.

Para naman sa bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure o ICI, tanging 23% pa lang ang may tiwala rito, habang 56% ang nananatiling hindi pa tiyak sa kredibilidad nito.

Ayon sa Pulse Asia, ang survey ay isinagawa sa 1,200 adult respondents sa buong bansa mula Setyembre 27-30, 2025 sa pamamagitan ng face-to-face interviews, at may ±2.8% na margin of error.

Sa kabuuan, ipinapakita ng resulta na bukod sa media at mga NGO, karamihan sa mga institusyon ng pamahalaan ay patuloy na humaharap sa mababang tiwala o kawalang-katiyakan mula sa publiko.