--Ads--

CAUAYAN CITY – Naiinip na ang mga pinoy na nasa bansang Afghanistan sa paghihintay ng magrerepatriate sa kanila dahil sa pagback out ng Philippine Airlines na susundo sana sa kanila.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Joseph Glen Gumpal, ang presidente ng Filipino Community sa Afghanistan sinabi niya na tapos na sana noong gabi ng martes ang pagrepatriate sa mga pinoy doon ngunit nagkaroon ng kaguluhan sa airport dahil sa nagdagsaang mamamayan na nagnanais na maging refugee patungong Estados Unidos.

Dahil dito ay hindi makalapag ang mga commercial flights na sasakyan sana ng mga Pilipinong uuwi ng bansa.

Sa kabuuan ay umabot na sa apatnaput anim na OFWs ang nakaalis sa nasabing bansa mula nang magsimula ang repatriation.

--Ads--

Nasa tatlumput dalawa na OFWs ang nakaalis noong ikalabing lima ng Agosto patungong Qatar sa tulong ng kanilang kompanya at ng US Embassy at itinuloy silang iniuwi ng bansa sa tulong ng Philippine Airlines.

Walo naman ang ipinadala muli sa bansang Qatar kahapon sa tulong pa rin ng kanilang kompanya at ang anim naman ay napunta sa United Kingdom.

Ayon kay Ginoong Gumpal nasa animnaput pitong pilipino pa ang nasa kanilang masterlist na naghihintay  na mairepatriate.

Aniya mula nang magkagulo sa airport ay nagbacked out na ang Philippine Airlines  na magsusundo sana sa mga Pinoy doon kaya kukuha na lamang ng ibang commercial flight ang Philippine Embassy doon at kukuha na lamang ng tig isang isang tiket ang mga uuwing Pilipino.

Ayon kay Ginoong Gumpal mahirap ito dahil maghihintay pa sila ng ilang araw at maaaring umabot pa hanggang ikadalawamput isa ng Agosto kaya marami sa mga Pinoy ang naiinip na at nag aalinlangan bagamat tapos na ang kaguluhan sa nasabing bansa dahil transisyon na sa bagong administrasyon.