CAUAYAN CITY– Tulad sa Pilipinas ay natutuwa rin ang mga tagsuporta ni dating Senador BongBong Marcos sa Estados Unidos sa kanyang pangunguna sa bilangan ng mga boto habang labis naman nadismaya ang mga bumoto sa tandem nina Vice Presidet Leni Robredo at senador Kiko Pangilinan.
Inihayag ni Bombo International News Correspondent Jon Melegrito, news editor ng isang pahayagan sa Washington DC na may isinasagawang vigil for democracy ng mga organisasyon ng mga aktibista sa New York at Los Angeles, California.
Ayon kay Ginoong Melegrito, ang mga aktibista ay nangangamba sa magiging pamamahala ni Marcos na matutulad sa naging pangangasiwa ng kanyang ama na naging diktador.
Ang ibang Pilipino ay mag-oobserba kung may pagbabago at matutupad ni Marcos ang pangako ng magkakaroon ng pagkakaisa sa bansa.
Mabuti aniya na nagkaroon ng overseas voting sa Amerika dahil nais ng mga dual citizens na magkaroon sila ng pagkakataon na bumoto sa halalan sa Pilipinas.
Sa Washington DC aniya ay hindi pa tapos ang pagbibilang sa absentee voting.
Marami rin ang hindi nakatanggap ng kanilang balota.










