--Ads--

CAUAYAN CITY – Plano nang mag-relocate sa ibang lugar ang mga Pilipinong naapektuhan ng malakas na pagyanig sa Myanmar.

Inihayag sa Bombo Radyo Cauayan ni Bombo International News Correspondent Maureen Remolacio – Capisnon ng Myanmar na wala na kasing maayos na matuluyan ang ilang mga Pilipino sa naturang bansa pangunahin na ang mga nasiraan ng condominium.

Pansamantala na lamang anya silang natutulog sa labas habang ang ilan naman ay tumutuloy na lang muna sa kanilang mga pinagtatrabahuhan.

Ilan sa mga ito ay nagpahayag na mag-relocate sa bahagi ng Yangot, Myanmar na 10 oras ang layo mula sa Mandalay.

--Ads--

Bagaman may kalayuan ay desidido pa rin ang ilan na lumipat doon para sa kanilang kaligtasan dahil nangangamba pa rin umano sila sa mga posibleng aftershocks.

Sa ngayon ay nagtutulong-tulong na ang Filipino Community sa naturang bansa para makalikom ng pera para sa mga biktimang Pilipino.

Nais naman umano ng ilan na sa halip na mga basic necessities ay pera na lamang ang maihatid sa kanilang tulong upang may magamit sila sa relocation.

Mayroon ding ilang Pilipino ang nagpadala ng dalawang 10-wheeler trucks na naglalaman ng mga goods para sa mga apektadong Overseas Filipino Worker.

Aniya, mayroon ding nag-organisa ng blood donation drive para makatulong sa mga biktima na nangangailangan ng dugo hindi lamang para sa mga Pilipino kundi maging na rin sa mga locals sa Myanmar.

Nakarating na rin sa Myanmar ang ipinadalang humanitarian team ng Pilipinas upang tumulong sa search and rescue operation pangunahin na ang apat na Pilipino na napaulat pa ring nawawala hangang sa ngayon.

Sa ngayon ay higit 2,700 na ang naitalang nasawi at maaari pa umano itong umabot ng tatlong libo.