CAUAYAN CITY – Maraming pinoy ang nahihirapan ngayon sa nasabing bansa dahil sa nangyaring riot doon matapos na masunog ang kanilang tinitirhan.
Maraming residente roon ang nais nang pababain sa pwesto ang kanilang Prime Minister na si Manasseh Sogavare dahil umano sa korapsyon at pagsuporta nito sa China.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Roseann Alub, OFW sa Honiara Solomon Islands, sinabi niya na maraming residente ang nagsasagawa ngayon ng riots at sinisira ang mga bahay at establisimiento sa Capital City na Honiara.
Aniya galing pa ang mga nagrariot sa kalapit na lugar tulad ng Malayta at nagtutungo sa Capital City upang magsagawa ng kaguluhan, pagnanakaw at panununog ng mga negosyo at mga kabahayan pangunahin na ang tinatawag na China Town at ilang mga Chinese Nationals na rin ang nasaktan ng mga nagrariot na residente.
Maging ang bahay na tinitirhan ni Ginang Alub ay kasama rin sa mga sinunog kaya napilitan siyang lumikas at naghahanap siya ngayon ng malilipatan.
Sa kasalukuyan ay pahirapan ang paghahanap ng matitirhan dahil maraming nangangailangan dahil sa dami ng mga sinunog pangunahin na sa China Town.
Dahil sa pagkasunog ng mga tinitirhan ng ilang mga pinoy ay problema nila ngayon kung saan sila titira.
Humingi na ng tulong ang komite ng mga OFW sa nasabing bansa sa bansang New Guinea para sa kanilang repatriation.
Maraming pinoy ang nais nang umuwi sa Pilipinas dahil ang ilan ay nasunog na rin maging ang kanilang passport at iba pang dokumento.
Humihingi sila ngayon ng tulong sa pamahalaan para sa kanilang agarang pag uwi dahil wala na rin silang mapasukang trabaho.
Pansamantala namang natigil ang riot dahil sa paghingi ni PM Sogavare ng tulong na mga sundalo mula sa New Zealand, Australia at Papua New Guinea para mapanatili ang kaayusan sa bansa.











