CAUAYAN CITY- Planong ipalipat ng Lokal na Pamahalaan ng Cauayan ang mga poste ng kuryente at poste ng mga telecommunications na naapektuhan at maaapektohan ng road widening sa Lunsod ng Cauayan.
Sa ginanap na regular session ng mga lokal na mambabatas, ipinahayag ni Sangguniang Panlunsod Member Edwin De Luna na dapat ay isabay na sa pag-aayos ng drainage canal at road construction ang paglilipat ng mga posteng sagabal sa daan at mga poste na natutumba.
Ito aniya ay may kaugnayan sa ordinansang anti-dangling wires na naipasa ni Sangguniang Panlunsod Member Miko Delmendo .
Kung ililipat aniya ang mga poste, mapapadali at mapu-pwersa ang mga service providers na ayusin ang kani-kanilang wires dahil sa problema sa spaghetti o dangling wires sa lungsod.
Ayon pa kay SP Member De Luna, dapat ay magkaroon ng organisadong hakbang ang lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga contractor at mga kooperatibang may-ari ng poste.
Malaking halaga aniya ang kinakailangang pondo at uunahin na aniyang ipalipat ang mga poste at ayusin ang mga wire bago ipasemento ang mga daan.
Maging ang mga poste na nakikitang delikado na sa mga motorista ay planong palitan.
Sa ngayon ay naaantala na rin umano ang konstruksyon ng daan sa ilang bahagi ng Cauayan City dahil sa wala pang aksyon ang kooperatiba sa paglilipat ng kanilang poste.