CAUAYAN CITY- Puspusan ang ginawang pagsasapinal ng mga proyekto at programa ng ilang mga departamento ng lokal na pamahalaan ng Cauayan para sa budget na kinakailangan ngayong 2025.
Bago pa man ang election ban ay nakapaglatag na ng kanya kanyang programa ang mga departamento dahil inaasahan na wala nang makakakuha ng budget sa kasagsagan ng eleksyon.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jonathan Galutera, Persons with Disabilities Affairs Officer, sinabi niya na hindi tulad noong nakaraang taon na wala silang hinabol sa paghingi ng pondo dahil wala namang eleksyon.
sinikap aniya ng kanilang tanggapan na makakuha ng pondo para magkaroon ng programa na mabibigyan ng pangkabuhayan ang mga persons with disabilities, equipment na makatutulong at mapagaan ang buhay ng mga myembro, rehabilitation services, at programa para sa kanilang Women’s month.
Dagdag pa niya, lumolobo na kasi ang populasyon ng mga PWD na umabot na sa 4,986, at lahat ng ito ay nangangailangan ng tulong pinansyal at serbisyo mula sa kanilang tanggapan.
Nakatitiyak naman ang tanggapan na hindi maaapektohan ang kanilang programa dahil sa eleksyon sa lungsod ng Cauayan
Dahil aprubado naman umano ang kanilang kahilingang pondo sa lokal na pamahalaan ay tiyak na walang programa ang mauudlot ngayong taon.