CAUAYAN CITY – Patuloy ang mga programa ng DOLE Region 2 sa mga naapektuhan ng Covid 19 tulad ng mga nawalan ng trabaho at nagkaroon ng bagong working arrangements.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Information Officer Chester Trinidad ng DOLE Region 2 sinabi niya patuloy ang monitoring ng ahensya sa bilang ng mga establisimyentong nagsara dahil sa covid 19 at sa mga manggagawang naapektuhan.
Batay sa datos ng DOLE Region 2 nasa 6,804 na manggagawa mula sa dalawandaan at walumpong establisimyento sa rehiyon ang nakakaranas ngayon ng flexible work arrangements o pag-ikli ng kanilang oras at araw ng pagtatrabaho at apektado ang kanilang sahod.
Nasa animnaput tatlo naman ang mga manggagawang apektado ng permanent closure ng labing apat na establisimyento.
Ayon kay Ginoong Trinidad maaring mas marami pa ang apektado na hindi pa naisama sa kanilang talaan.
Nitong nakaraan lamang ay nagbigay ng assistance ang kagawaran sa pamamagitan ng kanilang DOLE Livelihood program.
Kabilang dito ang NegoKart o negosyo sa kariton kung saan may dalawamput limang informal sector workers ang mabibigyan ng cheque na naglalaman ng apat na raang libong piso na gagamitin sa pagbili ng mga materyales sa paggawa ng kanilang NegoKart.
Ayon kay Ginoong Trinidad malaking tulong ang NegoKart sa mga ito upang mas madali ang kanilang pagtungo sa mga lugar upang magbenta ng kanilang produkto.
Nagkaroon din ng teleconferencing ang DOLE Region 2 katuwang ang 5th Infantry Division Philippine Army para sakanilang Community Support Program Training.
Nagpapatuloy din ang kanilang TUPAD Program at ang CAMP kung saan target naman nila ngayon na matulungan ang sektor ng turismo at edukasyon.