--Ads--

Patuloy na pinalalakas ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO) ng Santiago City ang iba’t ibang programa upang maisulong ang kapakanan, karapatan, at inklusibong partisipasyon ng mga persons with disabilities (PWD) sa lungsod.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Noradel Tad-O, Officer-in-Charge ng PDAO Santiago City, sinabi nitong patuloy na nagpapatupad ang kanilang tanggapan ng mga programang nakatuon sa serbisyong pangkalusugan, kabuhayan, at kakayahan ng mga PWD upang mas maging aktibo ang kanilang pakikilahok sa lipunan.

‎Batay sa ulat ng tanggapan para sa taong 2025, kabilang sa mga ipinatupad na programa ang pagbibigay at pagre-renew ng PWD identification cards, pamamahagi ng assistive devices, pagsasagawa ng skills training, at iba pang inisyatiba para sa kabuhayan ng mga PWD.

‎Umabot sa 730 PWD ang nabigyan o na-renewan ng PWD ID cards upang matiyak na makatatanggap sila ng mga benepisyo at serbisyong ipinagkakaloob ng pamahalaan.

‎Samantala, 385 PWD naman ang nakatanggap ng iba’t ibang assistive devices na makatutulong sa kanilang mobilidad at sa pang-araw-araw na gawain.

‎Nagsagawa rin ang tanggapan ng 15 skills at self-enhancement training programs sa pakikipagtulungan sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), City Health Office (CHO), City Social Welfare and Development (CSWD), at ilang pribadong partner kung saan 1,380 katao ang nakinabang.

‎Bukod dito, 150 PWD ang nabigyan ng suporta sa pamamagitan ng mga livelihood at employment facilitation programs kabilang ang income-generating projects, job placement, at cash-for-work opportunities upang makatulong sa kanilang kabuhayan.

‎Isinagawa rin ng tanggapan ang 10 advocacy activities at disability-related observances na nilahukan ng 1,310 kalahok, na layong palakasin ang kamalayan ng publiko sa karapatan, kakayahan, at pantay na oportunidad para sa mga persons with disabilities.

‎Binigyang-diin ni Tad-O na magpapatuloy ang kanilang tanggapan sa pagpapatupad ng mga programang nagsusulong ng inklusibong serbisyo at pantay na pagkakataon upang matiyak na ang mga persons with disabilities sa Santiago City ay hindi naiiwan sa mga programa ng pamahalaan.