--Ads--

Mahigpit na ipinagbabawal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga pulitiko na sumama o makilahok sa pamamahagi ng tulong pinansyal sa publiko.

Ang kautusan ay ginawa ng Pangulo matapos nitong lagdaan ang P6.793 ­trilyong 2026 General Appropriations Act (GAA).

Ito ay para masiguro na ang bawat piso ay direktang mapupunta sa mga tunay na benepisyaryo at maiwasan ang patronage.

Sa pahayag ng ­Pangulo, sinabi nito na ang pambansang budget para sa 2026 ay dapat gamitin lamang sa paglilingkod sa samba­yanang Filipino at hindi kailanman para sa pampulitikong impluwensya.

--Ads--

Giit pa ng Pangulo na walang bawas, walang kulang ang mga programang pantulong na dapat ipatupad sa pamamagitan ng wastong pamamaraan para maprotektahan laban sa patronage politics.

Nagdagdag din ­aniya ng alokasyon sa ilalim ng Local Go­vernment Support Fund (LGSF) para mapalakas ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan na tumugon sa mga pa­ngangailangan sa kaunlaran, suportahan ang kabuhayan,at magtayo ng ligtas at matatag na mga komunidad.

Ang gobyerno ay namamahagi ng cash at iba pang tulong pinansyal sa publiko tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), gayundin ang mga cash grant at pensyon para sa mga senior citizen at mga persons with disabilities (PWDs).

Matatandaan na kahapon ay  nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang 2026 national budget.

Nakatanggap ang edukasyon ng pinakamalaking alokasyon na P1.34 trillion na popondohan ang teaching at non-teaching plantilla positions sa mga pampublikong eskwelahan, promosyon at reclassification ng mga guro at construction ng classrooms sa buong bansa.

Nilinaw naman ni Marcos na ang 2025 GAA ang may pinakamalaking budget para sa health sector sa kasaysayan ng bansa na nagkakahalaga ng P448.125 bilyon.

Kasama rito ang P1 bilyon budget para sa zero balance billing program sa mga government hospitals, gayundin para sa funding para sa disease survellance, rapid response mechanisms at sutainable health financing.

Habang ang PhilHealth ay makakatanggap ng halos P130 bilyon kabilang dito ang P60 bilyon na utos ng Korte Suprema na ibalik.

Habang sa agricultural sector ay naglaan ng P297 bilyon para sa mga mangingisda at magsasaka gayundin sa pagtatayo ng farm to market roads.

Samantala vineto naman ng ­Pangulo ang P92.5 bilyon halaga ng line items sa ilalim ng unprogrammed appropriations sa 2026 GAA.