--Ads--

CAUAYAN CITY – Malaking tulong ang pakikipagtulungan ng mga residente at mga opisyal ng barangay sa pulisya upang madakip  ang pinaghihinalaan sa pagpaslang sa isang Nursing student noong madaling araw ng Linggo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Police Major Fedimer Quiteves, Acting Chief ng Community Affairs and Development Unit ng Santiago City Police Office o SCPO na resulta ng pakikipagtulungan ng mga mamamayan at mga opisyal ng barangay gayundin ang may-ari ng tricycle na tinangay ng pinaghihinalaan kaya nadakip ang suspek na si Jeffrey Barga.

Malaking tulong din ang ipinadalang text message ng biktima sa kanyang pamilya na Franchise number ng kanyang sinakyang tricycle.

Malaking tulong din ang CCTV Camera sa junkshop na pinagbentahan ng sidecar ng tricycle na tinangay ng suspek kaya nakilala ng pulisya ang nagbenta na una na nilang naaresto noong nakaraang buwan.

--Ads--

Ipinakita sa  may-ari ng tricycle na ninakawan ang mug shot ng inaresto nila noong nakaraang buwan dahil mayroon itong kaso at positibo niyang kinilala na ang suspek ang tumangay sa kanyang tricycle.

Bukod dito ay nakita rin ang cellphone ng biktima sa live-in partner ng pinaghihinalaan sa Barangay Caloocan  na inutusan ng  suspek na isangla.

Natukoy din ang kinaroroonan ng pinaghihinalaan dahil sa ibinibigay na impormasyon ng mga mamamayan na nakakakita sa kanya.

Ayon kay PMaj. Quiteves Robbery with homicide ang isasampang kaso laban sa pinaghihinalaan dahil ito ang lumalabas na ibidensiya laban sa kanya.