--Ads--

CAUAYAN CITY- Kinuwestyon ng ilang mga residente sa Brgy. Dabburab Cauayan City ang hindi matapos tapos na ipinapagawang maliit na tulay sa nasabing barangay.

Ayon sa mga concerned citizen, apat na buwan nang ginagawa ang proyekto na buong akala nila ay makatutulong sa kanila sa lalong madaling panahon.

Ang maliit na tulay kasi ang kumokonekta sa farm-to-market road kaya maraming mga magsasaka ang apektado dahil hindi makapasok ang kanilang sasakyan sa kanilang bukid at pahirapan ang paglabas ng kanilang mga produkto patungo sa provincial road.

Pinangangambahan pa ng mga farmer na sa nalalapit na anihan ay hindi pa rin madaanan ang tulay.

--Ads--

Kung hindi pa ito madadaanan ay mapipilitan ang mga farmer na magbayad ng 25 pesos kada sako para maisakay sa kariton ang kanilang ani at upang mailabas ito papuntang highway.  

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Christian Iquin ng barangay Dabburab,  aminado siya na maraming mga residente ang nagtatanong sa kanila kung bakit hindi pa natatapos ngayon ang tulay.

Aniya, nagsimula ang construction noong November at mayroon itong pondo na 50,000 pesos ngunit hindi ito maituloy tuloy ngayon dahil hinihintay pa ang semento na ipinangakong ibibigay ng lokal na pamahalaan.

Mayroon pa naman aniyang pera ang barangay para sana maituloy na ang proyekto subalit hindi pa napagkakasunduan ng committee ang gagawing hakbang.

Sa ngayon ay hinihintay pa ang ibibigay na semento ng lokal na pamahalaan lalo pa at semento na lamang ang kulang,  kung hindi naman  aniya mahintay ang ibibigay ay kukumbinsihin niya ang kanyang  mga kapwa opisyal ng barangay na gamitin muna pansamantala ang pera ng barangay.