--Ads--

CAUAYAN CITY – Inihayag ng Department of Tourism o DOT Region 2 na kasalukuyan na ang paghahanda ng ilang mga residente sa mga coastal town ng Isabela para sa pagdagsa ng mga turista sa pagbubukas ng mga kalsada papasok sa nasabing bayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Dr. Troy Alexander Miano ng DOT Region 2 sinabi niya malapit nang mabuksan ang daan mula sa mainland Isabela patungo sa mga coastal towns kaya minabuti ng tanggapan na ihanda o i-capacitate na ang mga residente sa pagdami ng mga turistang magtutungo sa kanilang lugar.

Katatapos lamang aniya ang training ng mga homestay o mga residente na pwedeng mag-accommodate ng mga turista sa kanilang tutulugan.

Sa ngayon kasi ay wala pang mga hotels at inns na pwedeng tumanggap sa mas malaking volume ng turista sa nasabing mga bayan at isa ito sa mga mahahalagang salik ng turismo.

--Ads--

Kailangan aniyang makapagsanay ang mga residente kung ano ang dapat nilang gawin sa pagtanggap ng mga turista sa kanilang mga bahay bilang kanilang temporary hotel o homestay.

Sinanay din ng DOT ang mga katutubong Dumagat na maging tour guide dahil kabisado ng mga ito ang terrain sa lugar.

Kasalukuyan na rin aniya ang pagdraft sa tourism plan ng mga coastal towns kung saan una nang binuo ang tourism circuit ng mga bayan ng Divilacan, Maconacon at Palanan at pinupulido na lamang ang final stages nito sa pagbubukas ng mga daan papasok sa nasabing mga coastal towns.