CAUAYAN CITY – Nanawagan si Bb. Malou Refuerzo, Regional Communications and Public Affairs Officer ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) North Luzon sa mga nagpapalipad ng saranggola na huwag gawin ito malapit sa mga poste ng koryente at transmission lines.
Ito ay upang maiwasan ang power interruption o pagkawala ng daloy ng koryente at para hindi manganib ang buhay ng mga nagpapalipad ng saranggola kapag sumabit sa linya ng koryente.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Bb. Refuerzo na malakas ang boltahe ng koryente sa mga transmission lines kaya posibleng makoryente ang taong may hawak ng saranggola na maaaring sanhi ng pagkamatay nito.
Maging ang mga nagsusunog sa ilalim ng mga power lines ay mahigpit na ipinagbabawal dahil sa panganib na dulot nito.
Binanggit ni Bb. Refuerzo na isang barangay kapitan sa Bayombong, Nueva Vizcaya ang nagbahay-bahay noong nakaraang linggo para kumpiskahin ang saranggola ng mga nagpapalipad tuwing hapon.
Ang mga taong nagsusunog sa ilalim ng mga power lines at ang mga nagpapalipad ng saranggola na posibleng magdulot ng power interruption o pinsala sa linya ng koryente ay maaaring kasuhan ng paglabag sa Republic Act 11361 o Anti-Obstruction of Power Line Act.
May parusa ito na hanggang 12 taon na pagkabilanggo at multa na hindi bababa sa 50,000 kaya hinikayat ni Bb. Refuerzo ang lahat na makipagtulungan para tuluy-tuloy ang daloy ng koryente.
May mga pesonnel aniya ng NGCP sa region 2 ang umiikot sa iba’t ibang barangay para magsagawa ng information campaign upang alam ng taumbayan ang transmission line safety.
Samantala, tiniyak ni Refuerzo na may sapat na tustos ng koryente at may work force ang NGCP na handang tumugon anumang oras na magkaroon ng power interruption.












