Mahigpit na tututukan ng mga awtoridad ang mga may-ari ng sasakyan sa bahagi ng Poblacion, Cauayan City na walang sariling garahe matapos mapansin ang pagdami ng mga sasakyang basta na lamang nakaparada sa gilid ng kalsada sa buong magdamag.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ret. Col. Pilarito Mallillin, Chief ng Public Order and Safety Division Chief, sinabi niya na ang sasakyang iniiwan sa gilid ng daan ay hindi lamang basta nag-iiwan ng abala sa daloy ng trapiko kundi nagiging sanhi rin ng aksidente.
Aniya, kapag may nakaparadang sasakyan sa masisikip na kalsada ay napipilitan ang ibang motorista na gumitna o dumaan sa kabilang linya na maaaring maging sanhi ng aksidente.
Malaki rin aniya ang epekto nito sa oras ng emergency dahil mahihirapan ang mga awtoridad na magtungo sa kanilang rerespondehan kung maraming obstruction sa daan.
Bukod dito ay nagiging sanhi rin umano ito ng tensiyon sa pagitan ng mga magkakapit-bahay lalo na kung may sasakyang nakaharang sa kanilang driveway o daanan.
Maaari rin itong magresulta sa pagkasira ng sasakyan kung masagi o mabangga ng mga dumadaan dahil sa kawalan ng espasyo.
Bilang tugon ay nakikipag-ugnayan ang POSD sa mga Punong Barangay na nakakasakop sa Poblacion upang magsagawa ng Survey sa mga kabahayan na may sasakyan ngunit walang sariling garahe.
Layunin nitong matukoy ang lawak ng problema at makapaglatag ng mas maayos na polisiya upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa komunidad.











