--Ads--

Isang magandang balita para sa mga tamad magsipilyo o may pisikal na kapansanan matapos ipakilala ng mga Japanese scientists ang “g.eN”, ang tinaguriang kauna-unahang “oral care robot” sa mundo na kayang linisin ang iyong ngipin nang hindi na kailangang igalaw ang kamay.

Gamit ang teknolohiyang binuo ng Waseda University Robotics Laboratory, ang high-tech na device na ito ay guma­gana sa pamamagitan lamang ng pagkagat sa mouthpiece, kung saan kusa nang aandar ang maliliit ngunit powerful na brush nito na gumagalaw pataas, pababa, at pakaliwa’t kanan upang sabay na linisin ang magkabilang panig ng ngipin sa loob lamang ng isang minuto.

Napatunayan sa isang research paper na inihain sa Japan Society of Healthcare Dentistry na epektibo ang g.eN, na nakapagtala ng plaque retention rate na 22.4%, isang antas na pasok sa pamantayan ng “good oral hygiene” at kapantay o higit pa sa bisa ng tradisyunal na pagsisipilyo.

Ang robot ay tumitimbang ng 220 grams, may USB Type-C charging, at nagtatampok ng apat na operating modes tulad ng “Easy,” “Careful,” “Special Care,” at “Children” upang umakma sa pangangailangan ng iba’t ibang gumagamit.

--Ads--

Kasalukuyang nasa crowdfunding stage ang produkto at lagpas na sa kanilang target goal dahil sa mainit na pagtanggap ng publiko. Mabibili ito sa discounted price na 31,042 yen (mahigit P11,000).

Bagama’t orihinal na dinesenyo ang g.eN upang tulungan ang mga taong may limitadong kakayahan sa pagkilos, naging patok din ito sa general public na naghahanap ng mas mabilis at komportableng paraan upang mapanatiling malinis ang kanilang mga ngipin nang walang kahirap-hirap.