--Ads--

Binatikos ng mga senador ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa pagguho ng Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela na nagkakahalaga ng ₱1.2 bilyon.

Sa privilege speech ni Senador Jinggoy Estrada, sinabi niyang tatlong beses gumasta ang gobyerno para sa tulay—sa orihinal na konstruksyon, sa ₱285 milyong retrofitting, at sa ₱400 milyong repair—ngunit bumagsak pa rin ito ilang linggo matapos ayusin.

Sinabi ni Senador Rodante Marcoleta na tatlong beses na “nasampal ang Pilipino” dahil sa paulit-ulit na gastos at pagkukumpuni na nauwi pa rin sa trahedya.

Ikinadismaya ng mga senador na sa kabila ng pagkasira ng tulay, wala ni isang opisyal ng DPWH ang sinuspinde o inimbestigahan.

--Ads--

Mas masaklap pa, ayon kina Estrada at Marcoleta, ay ang pagkaka-promote ng ilang opisyal na may kinalaman sa proyekto.

Kabilang dito sina Loreta Malaluan, na inakyat mula Region 2 Director patungong Assistant Secretary for Luzon kahit siya ang nagrekomenda ng ₱233.5 milyong retrofitting.

Si Mary Bueno ay ginawa namang Asec. for Visayas and Mindanao kahit umano’t binalewala niya ang babala ng isang project engineer.

Si Eugenio Pipo Jr. ay na-promote din bilang Undersecretary sa kabila ng matagal nang red flags sa proyekto.

Si Ador Canlas ay pinayagan ang ₱285 milyong retrofitting noong 2023 at binago pa ito noong 2024.

Si Maria Catalina Cabral naman ay inaprubahan ang ₱400 milyong retrofitting budget kahit nasa ilalim pa ng warranty ang tulay.

Sinabi ni Estrada na ang disenyong ginamit ay walang precedent at hindi dumaan sa sapat na teknikal na pagsusuri.

Dagdag pa niya, ang proyekto ay ibinigay sa R.D. Interior Junior Construction na umano’y walang sapat na karanasan sa paggawa ng ganitong klaseng tulay.

Binatikos din ni Estrada ang katotohanang gobyerno pa rin ang nagbayad sa retrofitting sa halip na ang contractor.

Nanawagan ang mga senador ng pananagutan at agarang imbestigasyon sa DPWH upang mapanagot ang mga responsable.