--Ads--

Muling inihain ni Senador Christopher “Bong” Go ang panukalang batas na naglalayong magtakda ng ₱100 across-the-board na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa. Ito ay bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa pamumuhay, lalo na sa mga urban area, at sa lumalawak na agwat ng kita ng mga obrero.

Nangyari ito kasunod ng desisyong Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa National Capital Region na magpatupad ng ₱50 dagdag sahod sa rehiyon.

Bagama’t ikinatuwa ng ilang sektor ang dagdag, agad din itong tinuligsa ng ilang mambabatas at labor groups bilang hindi sapat. Ayon kay Senador Go, “Ang ₱50 ay hindi sapat lalo na sa tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin. Sana’y maipasa natin ang ₱100 na legislated wage hike.”

Isa ang naturang panukala sa sampung prayoridad na bill na isinumite ni Go para sa ika-20 Kongreso. Matatandaang may kahalintulad na panukalang batas sa nakaraang Kongreso ngunit hindi ito umusad matapos mabigo ang Senado at Kamara na pag-isahin ang kanilang mga bersyon—kung saan ₱200 wage hike naman ang isinusulong ng House of Representatives.

--Ads--

Bukas naman si Senador Go sa muling pagtalakay upang pag-isahin ang mga panukala: “Let’s bring this back to the table and find common ground for the benefit of our workers,” giit niya.

Samantala, nakatakda ring maghain ng katulad na panukala si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ngayong sesyon ng Kongreso. Ayon kay Estrada, bagamat napapanahon ang ₱50 dagdag, ito’y hindi pa rin sapat upang tugunan ang epekto ng inflation. “Batay sa mga pagdinig sa Senado, ang ₱100 na dagdag sahod ang pinaka-balanseng panukala—makabubuti ito sa halos 4.2 milyong wage earners sa bansa, habang isinasaalang-alang ang kakayahan ng mga negosyo,” pahayag ni Estrada.

Kapwa iginiit ng dalawang senador ang agarang pangangailangan na maipasa ang legislated wage hike upang mabigyan ng mas makahulugang ginhawa ang milyun-milyong manggagawang Pilipino sa gitna ng mataas na gastusin sa pamumuhay.