CAUAYAN CITY – Magpapatupad ng mga hakbang para makaiwas sa coronavirus disease (COVID-19) ang mga simbahan dito sa Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Father Ric-Zeus Angobong, Chancellor ng Diocese of Ilagan at Parish Priest ng Saint Mathew Parish sa San Mateo Isabela, sinabi niya na may inilabas na sulat noong March 10 ang Catholic Bishops Conference of the Philippines kaugnay sa public health advisory sa bansa.
Nakalahad aniya sa nasabing sulat ang mga kailangan muna nilang ipatupad sa mga simbahan upang malabanan ang COVID-19.
Aniya, pinapayuhan ang mga matatanda na may karamdaman na manatili na lamang sa kanilang mga tahanan at sa mga telebisyon o radyo na lamang sila magsimba para maprotektahan nila ang kanilang mga sarili sa nasabing sakit.
Lilimitahan naman ang mga simbahan, magsasagawa ng sanitization at magspray ng pang-disinfectant.
Hindi rin muna isasagawa ang holy communion na tatanggapin sa pamamagitan ng bibig at sa kamay na lamang muna gayundin ang paglalagay ng holy water sa bukana ng simbahan ay hindi muna gagawin.
Ayon kay Father Angobong, ang hakbang na ito ay magsisimula na sa linggo.
Pinapayuhan naman ang mga magtutungo sa mga simbahan na magsuot lamang ng face mask at sumunod sa mga hakbang na sasabihin ng kanilang simbahan para makaiwas sa COVID-19.











