
CAUAYAN CITY – Pinaghahanap ngayon ng mga pulis ang dalawang pinaghihinalaan sa pananaga sa isang magsasaka sa barangay Linglingay.
Ang biktima ay si Roberto Suarez, limampong taong gulang habang ang mga pinaghihinalaan ay sina Jhun Libid, nasa tamang edad at Lito Aquino, nasa tamang edad at pawang residente ng nabanggit na barangay.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station na nanananghalian sa bukid ang tatlo nang punahin ni Libid ang maalat na luto ni Suarez.
Sumagot umano ang biktimang si Suarez na sa susunod ay sila na ang magluto kaya nainis ang mga pinaghihinalaan at binato ang biktima na natamaan sa bunganga nito sanhi para matanggal ang dalawa nitong ngipin.
Agad namang tumakas ang mga pinaghihinalaan ngunit sinundan ng biktima at nang maabutan ay pinagsusuntok si Libid.
Gayunman, bigla umanong pinagtataga ang biktima ng isa pang suspek na si Aquino.
Kaagad nakahingi ng tulong ang biktima na dinala sa pagamutan habang tumakas naman ang mga pinaghihinalaan.










