--Ads--

CAUAYAN CITY- Nilooban ng hindi pa nakikilalang salarin ang Principal’s Office ng Bliss Elementary School sa Brgy. Bliss Village sa City of Ilagan, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Claire Soriano ng Brgy. Bliss Village, napag-alaman na nadiskubre ang nakawan noong araw ng Martes kung saan nawawala ang labing isang tablet sa nasabing eskwelahan.

Aniya ang mga tablet ay galing sa Department of Education at ginagamit ito ng mga grade six pupils sa kanilang pag-aaral.

Dumaan umano ang nanloob sa main door ng opisina dahil sira na umano ang padlock nito at pinag-aaralan na kung paano nalaman ng nanloob na nasa opisina ng principal ang mga tablets.

--Ads--

Nakapagtataka din na mga tablets lamang ang kinuha gayong marami naman umanong puwedeng nakawin sa Principal’s Office.

Hinala naman ng kapitana na posibleng isa lamang ang nanloob at posibleng alam umano nito na mayroong CCTV sa likod ng eskwelahan dahil nagawa niyang iwasan ang mga ito.

Upang hindi na maulit ang pangyayari ay naglagay na ng CCTV camera sa paligid ng eskwelahan at hihigpitan na din umano ng mga tanod ang kanilang pagpapatrolya sa barangay.

Sa ngayon ay inaalam na nang pulisya kung sino ang posibleng may gawa nang pagnanakaw.