--Ads--

CAUAYAN CITY – Inihayag ng pamunuan ng Isabela Anti-Crime Task Force na mas mabuting mga tanod na lamang ang kuning magbantay kaysa kumuha ng mga security guard.

Ito ay kaugnay sa plano ng Philippine National Police o PNP na gamitin ang mga security guard bilang intelligence operatives para sa kaligtasan ng publiko.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ysmael Atienza Sr., Chairman ng Isabela Anti-Crime Task Force, sinabi niya na mas mabuting mga barangay tanod na lamang ang gawing force multiplier ng PNP dahil mas alam nila ang nangyayari sa kanilang mga barangay kaysa sa mga security guards na confined lamang sa loob ng pinagtatrabahuan nilang establisimento.

Tinutulan nila ang nasabing panukala dahil may sariling agencies ang mga security guards at may specific silang trabaho na hindi naayon sa nais ng PNP.

--Ads--

Aniya kung matuturuan ang mga mapipiling tanod ng basic training sa intelligence gathering ay mas magiging episyente pa ang operasyon ng PNP.

Noong nakaraang taon pa umano niya ini-lobby sa PNP ang pagmaximize sa trabaho ng mga barangay tanod.

Pwede rin umanong bumuo ng volunteer task force against crime ang PNP na tutulong sa pagbabantay sa komunidad upang matiyak ang kaligtasan ng publiko tulad ng ginagawa ngayon ng Isabela Anti-Crime Task Force.

Sa ngayon kasi ay bumubuo na sila ng task force sa bawat bayan sa Isabela na kahalintulad din ng Isabela Anti-Crime Task Force upang mas mapalawak ang operasyon at mas matiyak ang kaligtasan ng publiko.