Patuloy na iniinda ng mga tenants sa isang pribadong pamilihan sa lungsod ng Cauayan ang kakulangan sa maayos at sapat na parking area na anila’y malaki na ang epekto sa kanilang hanapbuhay at araw-araw na kita.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Dondon Jacinto, isang tenant sa naturang pamilihan, nagdudulot na ng matinding pagsisikip sa daan ang kakulangan sa espasyo para sa mga sasakyan. Dahil dito, hindi lamang ang mga nagtitinda ang nahihirapan kundi maging ang kanilang mga customer na hirap umanong makahanap ng mapaparadahan.
Aniya, madalas na nagrereklamo ang mga mamimili dahil sa sobrang sikip ng daanan sa paligid ng pamilihan. May ilan pa umanong umiikot nang matagal upang maghanap ng parking, habang ang iba naman ay tuluyan nang umaalis at hindi na tumutuloy sa pamimili.
Dagdag pa niya, maging ang mga dati nilang suki na nagmumula sa iba’t ibang bayan gaya ng Reina Mercedes, Benito Soliven at iba pang kalapit na lugar ay unti-unti nang nababawasan. Aniya, mas pinipili na umano ng mga ito na dumayo sa ibang lungsod kung saan mas maayos at mas maluwag ang parking area.
Dahil dito, ramdam na umano ng mga tenants ang pagbaba ng kanilang kita sa nakalipas na mga buwan. Umaasa si Jacinto na mabibigyang pansin ito ng kinauukulan upang mapaganda ang daloy ng sasakyan at mahikayat muling bumalik ang mga mamimili.
Aniya, kapag naayos ang problema sa parking, mas magiging maginhawa ang pamimili at posibleng bumalik ang dating sigla ng negosyo sa loob ng pamilihan.
Matatandaang nagkaroon kamakailan ng public hearing patungkol sa panukalang pagbabago sa market code sa naturang pribadong pamilihan.
Isa sa mga pangunahing isyung inilapit ng mga tenants sa naturang pagdinig ay ang kakulangan ng parking area, na anila’y matagal nang problema ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng konkretong solusyon.










