Masaya ang mga tenants ng Primark sa Cauayan City matapos bawiin ng lokal na pamahalaan ang prangkisa ng kompanya sa pamamahala ng pamilihan sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jenny Matutino, isa sa mga tenants ng pribadong pamilihan, nagpapasalamat sila sa hakbang ng pamahalaang lungsod dahil inaasahan nilang mababawasan na ang kanilang mga gastusin, lalo na ang posibilidad na mawala na ang tinatawag na joining fee na matagal na nilang binabayaran.
Isa umano sa mga pangunahing dahilan ng pagkalugi ng maraming tenants ay ang sunod-sunod na bayarin, gaya ng joining fee, bayad sa kuryente, at ambag para sa mga sweepers. Lalo pa umanong lumala ang kanilang kalagayan matapos ang pandemya, nang magsulputan ang iba’t ibang talipapa sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Noon ay itinuturing ang lugar bilang isang one-stop market, ngunit dahil sa pagdami ng mga pamilihan sa paligid, nahirapan ang mga tenant na makabawi sa kita, lalo pa’t patuloy pa rin silang sinisingil ng iba’t ibang bayarin. Dagdag pa rito, hindi rin umano sulit ang kanilang binabayad para sa mga sweepers dahil kadalasan ay sila pa rin mismo ang naglilinis ng kani-kanilang pwesto.
Dahil dito, malaki ang pasasalamat ng mga tenant sa lokal na pamahalaan sa pagpasa ng ordinansa na bumawi sa prangkisa ng Primark, dahil inaasahan nilang kahit papaano ay mababawasan ang kanilang pinansyal na pasanin.
Matatandaang nitong Miyerkules ay isinagawa ang committee hearing hinggil sa pagbawi ng prangkisa ng Primark, at kaninang umaga ay kinumpirma ni SP Miko Delmendo na aprubado na ang nasabing ordinansa.











