--Ads--

CAUAYAN CITY – Mas lalo pang naging alerto ang mga nagtitinda sa pribadong pamilihan ng lungsod ng Cauayan dahil sa pagdami ng mga magnanakaw.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Julia Esteban, Tindera sa palengke, sinabi niya na halos kada buwan nang may nananakawan ng pera, paninda o gamit sa Palengke.

Hindi lamang mga nagtitinda ang nabibiktima dahil maging ang mga mamimili ay nabibiktima rin ng mga magnanakaw.

Aniya mainit ang mata ng mga kawatan sa mga lugar na siksikan tulad na lamang sa dry at wet goods section.

--Ads--

Kabilang sa mga modus ng mga magnanakaw ang “wakwak bag” kung saan ginigilitan ang bag ng biktima saka kinukuha ang pera o gamit nito sa loob.

Ngayong 2024 ay isang pwesto ang tinangkang pagnakawan ng halos pitumpong libong pisong halaga ng pera habang kamakailan lamang ay isang ginang ang nasalisihan ng limampung libong pisong pera matapos nitong magwithdraw.

Dagdag pa rito ang pagnanakaw ng mga panindang tsinelas at damit sa dry goods section.

Aniya hanggang ngayon ay wala pa ring nahuhuli sa mga magnanakaw kahit tuluy-tuloy namang nagroronda ang mga security guard ng pamilihan.

Ang ibang tindera ay todo alerto na sa kanilang mga paninda at mahahalagang gamit lalo na tuwing brownout at madilim sa kanilang pwesto.

Pinaalalahanan naman niya ang mga kapwa niyang tindera maging mga mamimili na maging maingat kapag nagtutungo sa matataong lugar dahil maaring mabiktima ng mga mandurukot.