--Ads--

Nag-abiso ang mga otoridad sa Cauayan City sa mga tricycle na namamasada ng gabi na kumuha ng travel permit pangunahin na ang mga naghahatid ng pasahero sa ibat-ibang bayan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na ang nasabing rekomendasyon ay upang matiyak ang seguridad ng mga tricycle driver maging ang mga pasahero tuwing gabi.

Aniya ito ay batay sa napag-usapan sa isinagawang committee hearing ng lokal na pamahalaan at hanay ng PNP noong nakaraang linggo.

Ilan sa mga aalamin ay ang destinasyon ng mga namamasadang tricycle tulad ng kung saan ihahatid ang mga pasahero at kung ilan ang sakay na pasahero.

--Ads--

Kukuhanan din ng litrato ang body number at lisensya ng tsuper upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero na inihahatid sa karatig na bayan tuwing gabi.

Mapanganib aniya ang pamamasada ng gabi dahil maaring masasamang loob ang maisasakay ng mga tricycle driver.

Sa pamamagitan ng travel permit ay mas madali nang malaman kung ano ang nangyari sa mga tsuper kung nagkataon na may mangyari sa kanilang paghatid ng pasahero.

Pwedeng kunin ang travel permit sa mga outpost ng PNP na matatagpuan sa Brgy. Tagaran, San Fermin, Cabaruan, tapat ng malaking mall, centro poblacion at maging sa mga POSD Personnel na nagmamando ng trapiko sa mga kalsada sa lungsod.

Aniya walang babayaran dito kaya maiging sumunod na lamang ang mga tricycle driver para na rin sa kanilang kaligtasan.