--Ads--

CAUAYAN CITY – Sang-ayon ang mga namamasada na taasan ang seating capacity ng mga pampasaherong sasakyan kasunod ng pagbaba ng naitatalang kaso ng COVID-19 .

Sa ngayon ay 50 percent seating capacity ang isinasakay na mga pasahero at nais anya nilang mataasan upang magkaroon ng karagdagang kita lalo na at halos linggo-linggong tumataas ang presyo ng gasolina.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ginoong Rolando Sayago, tagapagsalita ng traditional jeepney drivers sa Lunsod ng Cauayan na mas gusto umano nilang gawing 70% seating capacity sa kanilang ipinapasadang jeep kaysa ang ipinapangako ng pamahalaan oil subsidy.

Aniya mas mapapakinabangan at mas makakatulong sa lahat ng mga tsuper at operator ng mga namamasadang jeep kung dagdagan na lamang ang bilang ng maaring sumakay sa kanilang sasakyan kumpara sa oil subsidy na pansamantala lamang at maaaring hindi lahat ay mabibigyan.

--Ads--

Inihayag pa ni Ginoong Sayago na prayoridad nilang mga namamasada ang kaligtasan at  kalusugan ng mga pasahero kaya titiyakin nilang masunod ang health protocols katulad ng pagsusuot ng facemask at faceshield

Sinabi pa ni Ginoong Sayago na maging sila ay labis na nag-iingat dahil iba’t ibang tao ang kanilang nakakasalamuha.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Rolando Sayago.