CAUAYAN CITY – Sasampahan ng kaso ang ilang kataong tumangay sa mga nahulog na alak mula sa isang truck sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Nauna rito ay nagkabasag-basag ang libo-libong halaga ng alak matapos mahulog ang mga ito mula sa truck sa bypass road na bahagi ng Brgy. Bonfal Proper, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Ar-Jay Nabban, Deputy Chief of Police ng Bayombong Police Station, sinabi niya na galing sa Maynila ang truck at patungo sana sa lalawigan ng Isabela upang ihatid ang mga alak.
Habang paliko ang truck sa bypass road ay bigla umanong may humarang na sasakyan kung kayat nawalan ng kontrol ang driver at nagpagewang-gewang ang sasakyan at nahulog ang karamihan sa mga karga nitong alak.
Wala naman tinamong sugat ang driver at helper ng sasakyan subalit lumikha ang pangyayari ng bahagyang pagsisikip sa daloy ng trapiko.
Aabot sa humigit kumulang 400,000 pesos ang halaga ng natapong alak sa kalsada.
Sinamantala naman ng ilang katao ang pangyayari upang makakuha ng libreng alak.
Ayon kay PCapt. Nabban, marami-rami din ang nakuha ng ilang residente at nang makarating sila sa lugar ay nakahuli sila ng dalawang katao na nagpupuslit ng alak.
Nasa kustodiya na ng Bayombong Police Station ang dalawang nahuli at mahaharap sa reklamo.