CAUAYAN CITY- Kinilala ang mga namayagpag na unibersidad at kolehiyo na pasok sa Luzon Higher Education Press Conference (LHEPC) matapos itanghal sa ginanap na 21st Regional Higher Education Press Conference (RHEPC) 2025 sa ICON, Cauayan City, Isabela.
Ang 21st Regional Higher Education Press Conference (RHEPC) ay kinabibilangan ng 469 na mga estudyante sa mahigit 30 na unibersidad at kolehiyo sa Region 2.
Naging matindi naman ang kompetisyon sa pagitan ng Cagayan State University Lal-lo, at Cagayan State University Andrews na nag-agawan ng pwesto sa kampyeonato sa larangan ng best in news page, editorial, at news writing.
Karamihan pa sa mga sasabak sa LHEPC ay mula sa mga nabanggit na Unibersidad.
Ayon kay Dr. Clara Gonzales, President ng Cagayan Valley Association of College Editor (CVACE), sinabi niya na mahalaga ang Press Conference sa mga estudyante lalo pa at hindi lahat ng sumali ay kumuha ng kursong Mass Communication.
Bagamat hindi lahat ay kumukuha ng nabanggit na kurso ay dapat pa rin aniyang pahalagahan ang Press Conference para mabigyan ang mga estudyante ng gabay sa pamamahayag ng impormasyon at para sa personal development ng mga ito.
Samantala, ang mga nanalo sa RHEPC ay maghahanda na sa LHEPC na gaganapin sa Quezon Province sa darating na April 1-3, 2025.





