--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagpapatuloy ang isinasagawang validation ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Region 2 kaugnay sa mga napaulat na mga social pensioners na may tinatanggap na pension mula sa ibang ahensiya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Social Pension Information Officer Reymar Olibas ng DSWD Region 2, sinabi niya na kinakailangang tanggalin sa listahan ang mga may natatanggap nang pesion sa ibang ahensiya dahil ang social pension ay para lamang sa mga walang natatanggap na pension.

Maliban rito ay patuloy rin ang kanilang pagbibigay ng social pension sa mga senior citizen na hindi nakapunta sa mismong payout kung saan nagtutungo mismo sa bahay ng mga social pensioner ang mga kawani ng DSWD upang malaman ang kanilang kalagayan.

Samantala, nilinaw ng DSWD Region 2 na mananatili ang semestral payout ng social pension.

--Ads--

Nauna nang nagbaba ng kautusan ang DSWD para sa monthly payout ng social pension subalit hindi anya ito kakayanin ng mga kawani ng mga field offices kaya naghain sila ng request sa central office na gawin nalang itong quarterly.