--Ads--

CAUAYAN CITY – Hiniling sa pamahalaan ng mga tsuper ng jeepney sa Isabela na mapadali ang pamamahagi sa kanila ng fuel subsidy.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Rolando Sayago, tagapagsalita ng mga traditional jeepney driver sa Isabela na nakipag-ugnayan na sila sa LTFRB Region 2 tungkol sa fuel subsidy na para sa mga driver at operator ng jeepney sa bansa.

Gayunman ay manggagaling pa sa Central Office ng LTFRB ang naturang kapakinabangan kaya hihintayin na lamang nila kung kailan ito ipapasakamay sa kanila.

Hiling lamang nila na sana ay mapadali ang pagbibigay dahil sobrang apektado na sila sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

--Ads--

Ayon kay Ginoong Sayago, maganda at malungkot ang sitwasyon nila ngayon na mga transport group.

Maganda dahil nasa alert level 1 ang Isabela at marami nang tao ang lumalabas at 100% na rin ang kanilang naisasakay.

Malungkot naman dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng produktong petrolyo kaya mangilan-ngilan na lamang ang lumalabas para mamasada dahil halos napupunta lamang sa diesel ang kanilang kinikita.

Sa ngayon ay wala pang go signal ang LTFRB sa pagtaas ng pamasahe pero may mga pasahero nang kusa na nagdadagdag ng kanilang pamasahe o di kaya ay hindi na kinukuha ang kanilang sukli.

Wala pa naman silang kahilingan sa LTFRB na itaas ang pamasahe at hinihintay na lamang nila ang go signal ng ahensya na mula sa kanilang central office.

Lubos aniyang nakakaawa ang sitwasyon ngayon ay ang mga tsuper na nagbaboundary lamang dahil sa dami ng kanilang binabayaran ay halos wala na silang naiuuwi para sa kanilang mga pamilya.

Hiling nila sa pamahalaang lunsod ng Cauayan at sa pamunuan ng SM terminal na kung maari ay bawasan nang kahit kalahati lamang ang kanilang binabayaran.

Ang bahagi ng pahayag ni Ginoong Rolando Sayago.