CAUAYAN CITY – Gumawa na ng aksiyon ang Municipal Health Office (MHO) ng Ramon, Isabela kaugnay ng reklamo tungkol sa isang punerarya na lumabag sa panuntunan sa paraan ng paglibing sa isang pasyenteng nasawi dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Una nang dumulog sa Bombo Radyo Cauayan ang isang concerned citizen upang ireklamo ang naging paraan ng paglibing sa asawa ng isang kawani ng Local Government Unit (LGU) dahil may mga nalabag sa mga guidelines.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Municipal Health Officer (MHO) Leo Gabriel ng Ramon, Isabela sinabi niya na noong makita niya ang mga larawan ng paglibing sa n nasawi ay talagang may nalabag na panuntunan dahil hindi nakasuot ng Personal Protective Equipment (PPE) ang mga personnel ng punerarya at napakarami pa ang dumalo sa libing.
Aniya, maliwanag sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF) na kapag COVID-19 ang ikinamatay ng isang pasyente ay kailangang idiretsong ilibing, hindi na ipoproseso pa ng punerarya at limitado rin ang maaaring makipaglibing upang maiwasan ang transmission.
Ayon kay Dr. Gabriel, ang sabi sa kanya ng mga kamag-anak ng nasawing pasyente na agad itong ililibing at kampante rin siya na alam ng punerarya ang mga protocol dahil dati na silang nag-accommodate ng COVID-19 related death sa bayan ng Ramon.
Pinagsabihan na nila ang pamunuan ng punerarya na huwag ulitin ang nagawang paglabag at kung may pormal na reklamo ay dapat nila itong harapin at tanggapin anuman ang magiging hatol ng batas.
Kapag nagkaroon ng imbestigasyon at mapatunayan na nagkaroon ng lapses ay posibleng mapatawan sila ng kaukulang kaso.
Muling nagpaalala ang MHO sa mga mamamayan na patuloy na sumunod sa mga panuntunan upang makaiwas sa virus.