Pinadalhan na ng subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) sina Michelle Dee, Rhian Ramos, at Samantha Panlilio, ayon sa kanilang abogado.
Kinumpirma ni Atty. Maggie Abraham-Garduque na nakatakdang humarap ang tatlo sa NBI bukas, araw ng Biyernes.
Ito ay kaugnay ng reklamong illegal detention, physical injuries, at paglabag sa anti-torture law na isinampa laban sa naturang personalidad. Ang kaso ay inihain ni alyas “Totoy,” driver at personal assistant ni Ramos, na umano’y naabuso dahil sa umano’y angpao na kinuha sa kanya.
Inihayag ni Garduque na bahagi ng case build-up ng NBI ang pagpapadala ng subpoena upang mabigyan ng pagkakataon ang mga respondent na maipahayag ang kanilang panig. Dagdag pa niya, susunod sila sa kautusan, rerepasuhin ang mga nakalap na ebidensya, at magsusumite ng counter-affidavit kung kinakailangan.
Samantala, kinumpirma rin ng abogado na natanggap naman ni alyas “Totoy” ang subpoena mula sa Office of the City Prosecutor of Makati kaugnay sa hiwalay na kasong qualified theft na isinampa ni Dee laban sa kanya.










