--Ads--

Patuloy na tinutugis ng militar ang labinlimang (15) miyembro ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC) ng CPP-NPA na nakasagupa ng kasundaluhan sa lalawigan ng Kalinga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Melvin Asuncion, Officer-in-Charge ng 5th Infantry Division, Philippine Army, sinabi niyang naganap ang sagupaan dakong 11:00 ng umaga, Nobyembre 21, 2025, sa pagitan ng 502nd at 503rd Infantry Brigade at Platoon Dos ng CPP-NPA. Tumagal umano ng 10 hanggang 15 minuto ang palitan ng putok.

Una rito nagsagawa ng operasyon ang militar sa Sitio Tantangan, Barangay Balao, Pinukpuk, Kalinga nang makasagupa ang tinatayang 15 rebelde na pawang miyembro ng ICRC.

Matapos ang sagupaan, tumakas ang mga rebelde sa iba’t ibang direksyon.

--Ads--

60 metro mula sa encounter site, nakubkob ng militar ang kuta ng naturang grupo.

Sa kasalukuyan, wala pang naiulat na sugatan o nasawi sa tropa ng pamahalaan, at wala pang ulat sa mga narekober na kagamitan mula sa NPA.


Sa ngayon patuloy ang pagtugis ng militar sa kabuuang 60 miyembro ng ICRC na kumikilos sa Kalinga.

Layunin ng operasyon na tuluyan nang masawata ang naturang grupo sa kanilang area of responsibility.


Muling nagpaalala ang pamunuan ng 5th ID na binibigyan nila ng hanggang Disyembre ang mga kasapi ng makakaliwang grupo upang magbalik-loob sa pamahalaan bago ikasa ang mas pinaigting na opensiba laban sa kanila.