--Ads--

Mas pinalawak pa ng mga militar ang manhunt operations laban sa mga rebeldeng NPA na kanilang nakasagupa sa bahagi ng Kalinga at Apayao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay MGen. Gulliver Señires, Commander ng 5th Infantry Division Philippine Army sinabi niya na Pinalawak na nila ang operasyon hanggang Apayao upang maiwasan ang anumang tangka ng grupo na manggulo sa mga komunidad.

Layunin ng mas malawak na paghahanap na matiyak ang kaligtasan at katahimikan ng mga barangay sa lugar.

Naging malaking tulong sa militar ang patuloy na pagbibigay ng impormasyon ng mga residente, na nagsilbing daan sa ilang matagumpay na operasyon at engkwentro.

--Ads--

Kabilang sa mga ulat ng mga mamamayan ang umano’y pagpasok ng armadong grupo sa mga bahay at paghingi ng pagkain at suplay na nag-udyok sa militar na paigtingin ang kanilang mga patrol.

Mula rito nagsimula ang serye ng sagupaan sa bayan ng Pinukpuk matapos salubungin ng putok ang mga nagpapatrolyang sundalo naging simula ng bakbakan.

Nasamsam ng tropa ng pamahalaan ang limang high-powered firearms, isang granada, mga bala, bandolier, medical equipment, gamot, isang watawat ng NPA, jungle packs, backpacks, gamit sa kusina, at iba pang materyales sa nagpapatuloy na operasyon laban sa mga kasapi ng Platoon Dos ng CPP–NPA Ilocos Cordillera Regional Committee.

Samantala, nasa ligtas nang kondisyon ang dalawang sundalong nasugatan sa engkwentro. Naibalik na rin sa pamilya ang labi ng isang napatay na kasapi ng NPA na narekober sa Barangay Allaguia noong Linggo, sa tulong ng pamahalaang panlalawigan ng Kalinga.

Ayon pa sa militar, patuloy pa ring sinusubukan ng grupo na impluwensiyahan ang mga residente sa pamamagitan ng pakikialam sa mga lokal na isyu, ngunit parami nang paraming mamamayan ang tumatangging suportahan sila.

Muli naman niyang hinikayat ang grupo na sumuko na sa pamahalaan at mamuhay ng payapa kasama ang mga mahal sa buhay.